QUEZON CITY — Ginagamot sa ospital ang isang motorcycle taxi rider matapos siyang pagsasaksakin ng ilang beses ng kanyang pasahero sa Barangay Pag-Ibig sa Nayon, Quezon City nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa ulat, bandang alas-5 ng madaling araw nang bigla umanong inatake ng suspek ang 43-anyos na rider pagdating nila sa isang eskinita sa naturang barangay. Hindi bababa sa sampung beses na sinaksak ng salarin ang biktima bago tumakas gamit ang motorsiklo ng huli.
Ayon sa mga residente sa lugar, agad silang humingi ng tulong sa barangay at itinakbo sa ospital ang sugatang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nai-book ng suspek ang rider mula Recto Avenue sa Maynila patungong Quezon City. Subalit hindi pa matukoy ang tiyak na motibo ng krimen.
“Ang kanyang kinuha lang ay ‘yung ginamit nilang motorsiklo bilang getaway vehicle. Yung personal belongings ng biktima — wallet at pera — ay hindi ginalaw at nanatiling intact,” ayon kay La Loma Police Station Commander Lieutenant Colonel Gilbert Cruz.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya at narekober na ang ilang CCTV footage na posibleng makatulong sa pagkakakilanlan ng suspek.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Quezon City Police District (QCPD) sa motorcycle taxi company para sa karagdagang impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon. Santi Celario