Home NATIONWIDE Motorcycle taxi program ‘di ihihinto – LTFRB

Motorcycle taxi program ‘di ihihinto – LTFRB

MANILA, Philippines – Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Sabado, Mayo 25 na hindi inirerekomendang alisin ang nagpapatuloy na motorcycle taxi pilot program.

“The TWG (technical working group) did not endorse the termination of the program. What it terminated is the gathering of data and the program continues,” saad sa pahayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, na namumuno sa TWG para sa motorcycle taxi pilot study.

Unang pinayagan sa nagpapatuloy na pilot program ang tatlong motorcycle players. Ito ay ang Angkas, Joyride, at Move It bilang motorcycle taxi platforms sa Metro Manila.

Isinasagawa ang pag-aaral upang matukoy ang kaligtasan at viability ng mga two-wheel vehicle o motorsiklo bilang uri ng pampublikong transportasyon.

Ani Guadiz, inendorso ng TWG na magdagdag pa ng mas maraming players at palawakin ang mga lugar na sakop ng programa.

Sa paraang ito, mas epektibong malalaman ng TWG ang epekto ng pilot study.

Ayon pa kay Guadiz, naniniwala ang mga mambabatas na ang limitadong pag-aaral sa tatlong players sa Metro Manila ay hindi malinaw na nagpapakita ng epekto ng MC taxis sa kaligtasan at seguridad, ekonomiya, trapiko at iba pang uri ng pampublikong transportasyon.

“The study was stretched to more players and outside the borders of Metro Manila,” saad ni Guadiz.

Kamakailan ay nagbigay ng akreditasyon ang LTFRB sa apat pang Transport Network Companies (TNC) na may 8,000 accredited riders sa Regions III at IV.

Aniya, sisiguruhin ng LTFRB ang komprehensibo at inclusive evaluation ng motorcycle taxi pilot program sa pagpapalawak ng sakop nito at mga kalahok. RNT/JGC