Home HOME BANNER STORY 35 pulis-Davao sibak sa pwesto sa pagkamatay ng 7 drug suspects

35 pulis-Davao sibak sa pwesto sa pagkamatay ng 7 drug suspects

MANILA, Philippines – Inalis sa pwesto ang 35 na mga pulis mula sa Davao City Police Office (DCPO), kabilang si dating DCPO chief Police Colonel Richard Bad-ang, na inilagay sa ilalim ng administrative relief.

Ayon sa ulat, bukod kay Bad-ang, sinibak din sa pwesto ang 11 station commanders ng DCPO at 23 iba pang pulis.

Ang aksyon ng Police Regional Office XI ay kasabay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng pito katao sa anti-illegal drugs operations sa lungsod mula Marso 23 hanggang 26, 2024.

Sa panayam, sinabi ni Brigadier General Aligre Martinez, director ng Police Regional Office (PRO) 11, na ang aksyon niya ay batay sa rekomendasyon ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) na nagsasagawa ng regular administrative investigations upang alisin ang mga tauhan sa pagsisiguro na magiging patas ang imbestigasyon.

“Based on the recommendations of RIAS, bilang ako naman ang disciplinary authority, nakita ko naman ang kanilang recommendations may grounds naman, so we acted on it,” ani Martinez.

Kamakailan ay sinabi ni PRO XI spokesperson Police Major Catherine Dela Rey na ang relief order mula sa RIAS ay magsisiguro na ang imbestigasyon ay mananatiling ‘independent’ at ‘credible.’

Si PRO XI deputy regional director for operations Police Colonel Rolindo Suguilon ang officer-in-charge o caretaker ng Davao City Police Office sa ngayon. RNT/JGC