Home METRO Motorsiklo bumangga sa pickup; driver, dedbol!

Motorsiklo bumangga sa pickup; driver, dedbol!

LA UNION- Tigok ang isang 28-anyos na lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang Toyota Pickup sa Naguilian-Baguio Road sa Brgy. Sili, Naguilian ng lalawigang ito kahapon, Abril 14.

Kinilala ng Naguilian Municipal Police Station ang driver ng Honda 125 motorcycle na si Gerson Agua y Buena, 28, may asawa, helper, residente ng Brgy. Ambaracao Norte, ng naturang bayan.

Kinilala naman ang driver ng kulay blue na Toyota Pickup na si Magtangol III Cruz y Bernardino, 54, may asawa, negosyante, residente ng Brgy. Pagudpud, City of San Fernando, La Union.

Bumibiyahe papuntang silangang direksyon ang motorsiklo samantalang ang Toyota Pickup ay binabaybay naman ang kanlurang direksyon.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, umagaw umano ng linya ang motorsiklo kaya nagkasalubong ang dalawang sasakyan at nangyari ang banggaan.

Resulta nito, sugatan ang driver ng motorsiklo at agad itong dinala sa Naguilian District Hospital.

Gayunman, ang driver ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.

Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng Toyota Pickup. Rolando S. Gamoso