Home NATIONWIDE Move It, PNP, magtutulungan sa paghuli ng kawatang riders

Move It, PNP, magtutulungan sa paghuli ng kawatang riders

(c) Danny Querubin/Remate News Central

TINIYAK ng isang motorcycle company na nakahanda nitong gamitin ang sarili nitong teknolohiya para tulungan ang Philippine National Police (PNP) na mahuli ang riders na lumalabag sa batas.

Ayon kay Move It General Manager Wayne Jacinto, batid ng kanilang kompanya ang posibilidad na mapasukan ang Move It ng masasamang indibidwal o gamitin ng mga ito ang kanilang uniporme para maikubli ng mga ito ang paggawa ng krimen.

Ginawa ng Move It ang pahayag sa gitna ng pagkakahuli sa isa nitong rider na di-umano’y sangkot sa isang panghoholdap sa San Juan City kamakailan.

“Sinisiguro namin sa publiko na kapag talagang sangkot ang Move It riders, magiging transparent kami tungkol dito, at gagamitin namin ang teknolohiya sa aming app para i-trace ang guilty parties para mapanagot ang mga ito sa kanilang mga pagkakasala,” ani Jacinto.

Kaugnay nito binigyang-diin ng Move It executive na ang pagkakakilanlan ng suspek sa panghoholdap sa San Juan at pagkakahuli rito kinalaunan ay nangyari dahil na rin sa pakikipagtulungan ng kanilang kompanya.

“Nang makatanggap kami ng reports na isang Move It rider daw ang involved sa pangho-holdup, agad kaming nakipag-ugnayan sa PNP para i-validate kung ang taong iyon na gumagamit ng Move It uniform ay rider talaga namin,” ani Jacinto.

Paliwanag niya, ang naging aksiyon ng Move It ay parte na ng ginawa nilang protocols noon pa upang matugunan ang mga katulad na insidente.

Nang maidetine na ang suspek at kasabwat nito, natuklasan na ang nasabing Move It rider ay namamasada rin pala para sa ibang ride-hailing application.

Idinagdag ng motorcycle taxi company na patuloy silang makikipag-ugnayan sa PNP at Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang makagawa sila ng mga karagdagang pag-iingat para mas maging ligtas ang kanilang mga pasahero laban sa kawatang riders na gumagamit ng katulad na modus operandi.

Samantala, inaalam na rin ng Move It kung may grupong nagtatangkang sumira sa kanilang pangalan dahil anila’y may mga katulad na insidente dati kung saan nagpanggap na Move It riders ang mga suspek. Santi Celario