Home METRO MPD handa na sa Olympian victory parade

MPD handa na sa Olympian victory parade

MANILA, Philippines – Nakaposte na ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) bilang paghahanda sa magaganap na victory parade para sa mga Filipino Paris Olympians ng Palarong Pambansa.

Inaasahang alas-3 ng hapon ngayong Miyerkules, Agosto 14 sisimulan ang parada mula sa Aliw Theater at babaybayin ang kahabaan ng Taft Avenue patungong Rizal Memorial Coliseum kung saan idaraos ang maikling programa para sa tagumpay ng double gold medalist na si Carlos Yulo, Ernest John Obiena at iba pang mga atleta.

Ayon kay MPD-PIO Chief Major Philipp Ines, humigit-kumulang 400 kapulisan ang ipapakalat sa ruta ng parada para sa Heroes Welcome nina Yulo at Obiena na kapwa taga-Maynila.

Kasama rin sa victory parade ang 52 coaches at assistant coaches.

Partikular na daraan ang victory parade ng mga Olympians sa Padre Burgos mula sa Roxas Blvd; kanan sa Finance road, kanan sa Taft Avenue, kanan sa Quirino Avenue, kaliwa sa Adriatico St., patungong Rizal Memorial Coliseum.

Ang mga estudyante mula sa mga kolehiyo at unibersidad na dadaanan ng victory parade ay hinikayat naman ng Manila LGU na lumabas sa kanilang silid-aralan upang magbigay pugay at kumaway sa ipinagmamalaking mga atleta ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden