MANILA, Philippines – Inaasahang dadagsain ng pro at anti-Duterteang gagawing pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Liwasang Bonifacio ngayong araw.
Bagamat mamayang gabi pa ang aktibidad, mayroon nang dumarating sa lugar kaya naman aabot sa 200 tauhan ng civil disturbance management unit ng Manila Police District (MPD) ang kasalukuyan nakapwesto rito para magbigay seguridad sa gagawing pagdiriwang.
Ito ay upang maiwasan ang posibleng girian ng magkabilang panig lalo na kung magsasabay ang pagkilos o program ng mga ito.
Nakaantabay na rin ang dalawang truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) para sumuporta sa mga pulis.
Bukod sa Liwasang Bonifacio, kasama rin sa mga binabantayan ng MPD ang Mendiola, Paco Arena, paligid ng Malacanang at US Embassy. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)