
PINAALALAHANAN ng National Capital Region Police Office ang mga personnel nito na sumunod sa panuntunan ng propesyonalismo kaya’t hindi ang mga ito dapat pumalya sa pagpasok sa trabaho o kaya naman ay mahuli sa pagpasok.
Siyempre, nakarating ito sa tanggapan ng mga district director sa pamamagitan ng kanilang personnel chief o D1 na ipararating naman sa kanilang district chief directorial staff patungo sa tatlong matataas pang opisyal.
Sabi ng bubuyog na umaaligid sa MPD, isang opisyal nito ang may mga tauhan na hindi naman pumapasok araw-araw sa trabaho at lumulutang lang sa opisina kapag may pagkakaperahan o trabaho na kikita sila.
Ang masaklap, ang mga pulis na nagtatrabaho ay ginagawaan ng kwento ng opisyal na ito para lang mawala sa mga opisinang nasa ilalim ng kanyang pamamahala at isinasalpak niya ang kanyang mga tauhang hugkang naman ang laman ng utak.
Ang kaawa-awa tuloy at nagdurusa ay ang mga hepe ng mga opisinang kanyang nasasakupan dahil kayod marino o tutok ang mga ito sa paglutas ng mga kaso dahil hindi mapagkakatiwalaan ang mga tauhang isinalpak sa kanyang tanggapan ng opisyal na ito.
Paanong hindi ang mga palpak na tauhan ang ilalagay nito sa mga tanggapan sa ilalim niya eh wala na siyang tinatanggap na parating mula sa mga “asset” nila. Lahat dumarapit sa mas mataas sa kanya.
Naisip tuloy nitong opisyal, ayon sa bubuyog, na gumawa ng mga salto na maisisisi sa mas mataas sa kanya upang siya na ang humawak ng koleksyon. Kasi nga naman, dating siya ang may hawak, biglang nalipat sa mas mataas sa kanya at hindi na niya mabawi.
O, yun naman pala. Pera nga talaga ang nagpapaikot sa mundo.
Maganda talaga ay paimbestigahan ni District Director PBGen Thomas Ibay ang mga hepe ng kanyang nasasakupan. Dapat ding magsuot siya ng makapal na helmet upang hindi siya mabukulan.
Kasi nga, tulad ni Nartatez, si Ibay ay sumabay sa “no take policy.” Pero ang mga opisyal niya, may mangilan-ngilan na hindi natatakot na tumanggap ng lagay. Kasi nga nakasanayan na bukod pa sa ipinagmamalaki ng mga ito na may mas mataas na opisyal na hawak sila na hindi kayang tablahin ni Ibay.
Aba, hindi na lang pala dapat district ang mag-imbestiga rito, dapat pala ay mismong region na. Dapat makarating ito kay Nartatez. Eh kilala naman ang Mamang Pulis na ito na walang sinasanto. Kaya ang mga demonyong pulis ay dapat na masibak sa pwesto.