
ANG disiplina ay mahalagang sangkap nang ‘di matatawarang serbisyo- publiko na dapat ‘isapuso’ ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan para makamit ang totoong kahulugan nang maayos na paglilingkod sa bayan.
Kaya masuwerte ang mga ahensya ng gobyerno na ang namumuno ay batid ang ‘gintong-papel’ ng katagang disiplina kaya ikinikilkil itong maging kaugalihan ng mga tauhan sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Katulad sa Police Regional Office 3 na ang disiplina ay mahigpit na pinaiiral dahil naniniwala si PRO3 chief PBGen Jose ‘Daboy’ Hidalgo, Jr., na ang disiplina ay daan tungo sa matagumpay na paglilingkod.
Dahil sa disiplinang isinusulong ng kanyang liderato, naging matagumpay ang PRO3 cops sa pagsasakatuparan ng mga proyekto’t programa na nagdala ng iba’t ibang karangalan sa pulisya ng Central Luzon.
Si Hidalgo kung isalarawan ay malambot ang puso’t pinaparangalan ang mga disiplinadong pulis pero ‘matigas ang paninindigan sa scalawag cops kaya ‘di nakapagtatakang marami na itong sinibak sa puwesto at tinanggal sa serbisyo.
Ang ‘latest’ na nakatikim ng ngingit ng regional director ng PRO 3 ay dalawang pulis na kamakailan ay kanyang sinibak dahil naaktuhang nagse- cellphone habang sakay ang mobile patrol car sa Angeles City, Pampanga.
Sa mga pagbisita sa pulisya sa rehiyon, pinaalalahanan ang mga provincial director, ganon din ang mga city at town police chief na pairalin ang disiplina sa mga tauhan na nagmo-moonlighting bilang VIP escorts.
Nagbabala rin ito sa mga ‘lubog’ na pulis na kilala rin sa tawag na ‘ghost’ o 15-30 cops na pinoprotektahan ng kanilang mga commander at superior na lululutang lang kapag araw ng suweldo.
Nagbabala si Hidalgo na kapag hindi sumunod ang mga pulis na kanyang nasasakupan, madaragdag sila sa listahan ng mga sinibak sa puwesto at tinanggal sa serbisyo dahil sa kawalan ng disiplina.
Ang ‘todo-disiplina’ na pinaiiral ni Hidalgo sa PRO3 ay naaayon sa nais ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Marbil na dapat mangibabaw sa bawa’t miyembro ng pambansang pulisya ang disiplina sa pagganap sa kanilang trabaho alinsunod sa ‘To Serve and Protect’ mantra ng police organization.