Home METRO MPD pinasalamatan ni Yorme; krimen sa Maynila, bumagsak ng 13%

MPD pinasalamatan ni Yorme; krimen sa Maynila, bumagsak ng 13%

197
0

MANILA, Philippines – IBINIDA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang malaking pagbaba ng krimen sa lungsod matapos umabot sa 13.08 porsiyento ang ibinagsak ng insidente ng krimen noong ikaapat na quarter ng 2025, kasabay ng pagtaas ng crime solution efficiency at tuloy-tuloy na ayuda sa Manila Police District (MPD).

Sa datos na inilabas sa ika-125 anibersaryo ng MPD, bumaba ang bilang ng krimen mula 2,110 kaso noong ikatlong quarter patungong 1,834 kaso sa ikaapat na quarter — katumbas ng 276 na insidente ang nabawas.

Ayon kay Yorme Isko, patunay ito ng mas pinaigting na pagpapatupad ng batas at mas maayos na koordinasyon ng mga operasyon sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng MPD.

Inihayag din ng alkalde na tumaas ng 9.2 porsiyento ang crime solution efficiency sa unang 100 araw ng kanyang administrasyon, na nangangahulugang mas maraming suspek ang natutukoy at naaaresto kumpara sa mga nagdaang buwan.

Hinimok ng alkalde ang mga pulis na pahalagahan ang tiwalang ibinigay sa kanila ng taumbayan at pinangunahan pa ang isang sandaling katahimikan bilang pagpupugay sa mga nasawing miyembro ng pulisya. Nagpasalamat din siya sa MPD sa patuloy na pagbabantay sa kapayapaan ng lungsod.

“Many are called, but few are chosen,” ayon kay Domagoso. “On behalf of the people of Manila, I would like to thank MPD Chief General Arnold Abad, the officers of their respective precincts and PCPs, and those who are patrolling in these streets,” dagdag pa ng alkalde.

Nagbabala rin ang alkalde sa mga nagbabalak gumawa ng krimen sa lungsod.

“Kapag gumawa ka ng krimen sa Maynila, may kalalagyan ka. Hahabulin ka namin gamit ang lahat ng legal na paraan upang pagbayarin ka sa iyong kasalanan,” matapang na pahayag ng alkalde.

Dagdag pa niya, hindi titigil ang pamahalaang lungsod sa pagtugis sa mga kriminal.

“Ngayon, bukas, sa susunod na linggo, buwan, o kahit taon pa ang lumipas, basta nagkasala ka sa Maynila, mahuhuli ka namin,” giit pa ni Yorme.

Nilinaw din ni Domagoso na ang pagpapatupad ng batas ay daraan sa tamang proseso ng hustisya at hindi sa kamay ng pamahalaan, kundi sa harap ng hukuman at piskalya.

Samantala, inihayag ng alkalde na nailabas na ang ₱26.03 milyong allowance para sa MPD na sumasaklaw sa ikaapat na quarter ng 2025 bilang patunay ng patuloy na suporta ng lungsod sa kapulisan.

Matapos ang programa, nagtungo si Moreno sa Chiang Kai Shek College, kung saan pormal niyang tinanggap ang 20 motorsiklong donasyon para sa MPD.

Layunin ng donasyon na palakasin ang police patrol mobility at dagdagan ang presensya ng pulis sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa Chiang Kai Shek College at iba pang pribadong sektor na katuwang ng pamahalaang lungsod sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kabisera.

— Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here