Home HOME BANNER STORY Mpox nakukuha rin sa sexual contacts – DOH

Mpox nakukuha rin sa sexual contacts – DOH

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na ang mpox ay maaaring maipasa hindi lamang sa pamamagitan ng non-sexual skin-to-skin contact, kundi maging sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa mga infected na indibidwal.

Ito ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad sa kalusugan kung paano nakakuha ng virus ang kamakailang dalawang kaso ng mpox.

Sinabi niya na tatlo sa limang kasalukuyang aktibong kaso ang umamin sa pagkakaroon ng mga aktibidad na sekswal.

Nagbabala ang DOH na sinuman ay maaaring magkaroon ng mpox, at ang virus ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng malapit at matalik na pakikipag-ugnayan sa isang taong nakahahawa, sa pamamagitan ng mga kontaminadong materyales tulad ng mga ginamit na damit o kagamitan, o sa pamamagitan ng mga nahawahang hayop.

Noong Miyerkules, inihayag ng ahensya na dalawa pang kaso ng mpox ang natukoy sa bansa ngayong buwan—-ang ika-13 kaso ay isang 26-anyos na babae mula sa Metro Manila, habang ang ika-14 kaso ay isang12-anyos na lalaki mula sa Calabarzon.

Bagama’t pareho silang walang kasaysayan ng paglalakbay bago magsimula ang kanilang mga sintomas, ang mga detalye ay bineberipika pa rin.

Ang dalubhasa sa nakakahawang sakit na si Dr. Benjamin Co noong Huwebes ay nanawagan sa publiko na maging maingat sa pagsasagawa ng “walang ingat” na sekswal na gawain dahil sa banta ng mpox, na aniya ay “mas sexually transmitted.”

Matatandaang ang ika-10 kaso—ang unang na-tukoy ngayong taon—ay napunta sa isang derma clinic at isang illegal spa sa Quezon City kung saan siya nakipagtalik. Jocelyn Tabangcura-Domenden