MANILA, Philippines — Kinumpirma ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong nitong Lunes ang isang kaso ng mpox, dahilan upang agad na magsagawa ng contact tracing at pinaigting na disease surveillance ang mga awtoridad sa kalusugan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon sa advisory ng City Epidemiology and Surveillance Unit (Cesu), pinangangasiwaan ang kaso sa pakikipag-ugnayan sa City Health Office, Department of Health Regional Epidemiology and Health Statistics Section, at iba pang kaugnay na ahensya.
Kaagad ding isinagawa ang case investigation, contact tracing, risk assessment, at monitoring sa mga natukoy na close contact alinsunod sa umiiral na public health protocols.
“The situation is being actively managed,” ayon sa advisory.
Hinikayat din ng Cesu ang publiko na umasa lamang sa opisyal na impormasyon mula sa pamahalaan at “to respect the privacy of the individual involved and to refrain from sharing unverified information that may cause confusion within the community.”
“The Cesu remains committed to protecting public health through continuous disease surveillance, timely response, and transparent communication,” dagdag nito.
Pinaalalahanan din ng lokal na pamahalaan ang publiko na sundin ang mga hakbang laban sa mpox, kabilang ang madalas na paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol-based hand sanitizer, pag-iwas sa malapit na skin-to-skin contact sa mga may hindi maipaliwanag na pantal o skin lesions, tamang pagtakip sa pag-ubo at pagbahing, at pagpapanatili ng mabuting personal na kalinisan.
Pinayuhan naman ang mga nakararanas ng lagnat, pamamaga ng kulani, o hindi maipaliwanag na mga pantal o skin lesions na agad magpakonsulta sa doktor. Dave Baluyot