Home NATIONWIDE Mpox victim ‘nagpa-ispakol’ sa QC

Mpox victim ‘nagpa-ispakol’ sa QC

MANILA, Philippines – INIULAT ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ang pinakabagong pasyente na tinamaan ng mpox (dating monkeypox) virus ay sinasabing nagtungo sa isang derma clinic at nakipagtalik sa isang iligal na welness spa o tinatawag na “ispakol” sa Quezon City.

Sa pulong balitaan kahapon, sinabi ni Belmonte na 28 sa 41 naging “contact” ng pasyente ay natukoy na sa pamamagitan ng contact tracing.

Naka-self quarantine na rin umano ang mga ito at sinusubaybayan ng QC Health Department.
Kabilang sa mga naka-quarantine ang masahista ng “ispakol” at ilan pang naging kliyente ng illegal spa.

Iniutos na rin ni Belmonte na ipasara ang spa na natuklasang walang mayor’s permit at iba pang kaukulang dokumento.

Sinabi ng alkalde na hindi residente ng Quezon City ang pasyenteng may mpox case.

Nitong Lunes, inihayag ng Department of Health (DOH) ang ika-10 kaso ng mpox sa Pilipinas, na isang 33-anyos na lalaking Pinoy pero hindi lumabas ng bansa.

Nagkaroon umano ito ng close, intimate contact, tatlong linggo bago lumala ang mga sintomas ng sakit.

Nagsisimula ang sintomas sa lagnat, at pagkaraan ng ilang araw ay susundan ng mga pantal sa mukha, likod, katawan, batok, singit at pati na sa palad at talampakan.

Nitong nakaraang linggo, nagdeklara ang World Health Organization (WHO) ng global public health emergency para sa mpox sa ikalawang pagkakataon sa magkasunod na taon.

Bunsod ito ng outbreak ng naturang viral infection sa Democratic Republic of Congo at mga kalapit nitong bansa. Nats Taboy