Home NATIONWIDE 17 naospital sa chemical leak sa Laguna

17 naospital sa chemical leak sa Laguna

MANILA, Philippines – Naospital ang nasa 17 katao matapos makalanghap ng hinihinalang chlorine chemical na nag-leak sa Cabuyao City, Laguna nitong Martes, Agosto 20.

Ang leak ay nangyari alas-2 ng hapon nang naglilinis ng lugar ang mga manggagawa ng isang junk shop sa Barangay Banaybanay at aksidenteng magalaw ang isang cylinder tank na naglabas ng malakas at toxic na amoy.

Nagdulot ng pagkahilo at hirap sa paghinga ang masangsang na amoy sa 17 katao na nasa lugar.

Dinala ang mga ito sa malapit na ospital para sa atensyong medikal.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ang leakage ay isang “suspected to be a chlorine-based chemical due to its yellowish-green appearance.”

Ang chlorine ay isang chemical element na karaniwang ginagamit sa mga industriya at makikita rin sa ilang household products.

Sa oras na mapakawalan sa hangin, maaaring magdulot ang chlorine exposure ng hirap sa paghinga at iba pang epekto sa kalusugan. RNT/JGC