MANILA, Philippines – Dinala na sa dockyard sa Orion ang motor tanker Jason Bradley na lumubog sa Mariveles, Bataan noong Hulyo ay napalutang lamang noong nakaraang linggo.
Sasailalim sa pagsusuri at imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), at Maritime Industry Authority (MARINA) ang motor tanker.
Kumuha na rin ng oil sample mula sa motor tanker para sa pagsusuri.
Ayon sa PCG, ang BRP Malamawi ay nagbigay ng tulong at seguridad sa towing operations ng barko sa Mariveles, Bataan nitong Linggo.
Samantala, ang MTUG Challenger ay suportado rin ang operasyon.
Lumubog ang MTKR Jason Bradley sa karagatan ng Bataan noong Hulyo 27 kung saan may karga itong 5,500 litro ng diesel at natuklasan ding nagkaroon ng tagas. Sinimulan ang siphoning operations noong Àgosto 10.
Noong nakaraang Huwebes, Setyembre 26, ang PCG, na binanggit ang nakakontratang salvor na FES Challenger, ay nag-ulat na ang barko ay muling lumutang ng 70% pagkatapos ng seawater pumping, patching, at pag-secure sa katawan ng barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden