Home NATIONWIDE MTRCB chair sa publiko: ‘Wag kayong mag-alala, walang favoritism dito

MTRCB chair sa publiko: ‘Wag kayong mag-alala, walang favoritism dito

MANILA, Philippines – Sumagot na si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) chair Diorella “Lala” Sotto-Antonio sa mga komento ng pagiging “biased” at “unfair” nito.

“Mahirap [at] challenging pero kung gagawin mo naman ‘yung alam mong tama, you will just do it nang walang kahirap-hirap,” she said. “Challenging siya pero alam mo naman na nasa tama ka e. Alam mo sa sarili mo na wala kang ginagawang mali,” sinabi ni Sotto-Antonio sa panayam ni Ogie Diaz sa kanyang vlog nitong Biyernes, Agosto 11.

Ani Lala, ni-minsan umano ay hindi nakialam sa kanyang trabaho ang kanyang mga magulang na sina Helen Gamboa at “E.A.T.” host na si Tito Sotto.

“Ang parati nilang sinasabi sa akin is do what is right; do what is fair; do what you think is right sa mata ng Panginoon,” aniya.

Binanggit din ng MTRCB chair ang akusasyon ng pagkiling sa desisyon ng ahensya laban sa isang noontime show, at sa isa pang noontime show kung nasaan naman ang kanyang ama.

“Hindi ko na kasi problema kung anong iniisip nila tungkol sa’kin. Basta ako ginagawa ko lang ang trabaho ko bilang Kristiyano, asawa, isang anak, isang ina, at higit sa lahat, isang Filipino citizen na MTRCB chairman,” sinabi pa ni Sotto-Antonio kay Diaz.

“Sa mga nagsasabi na unfair [ako], hindi patas, biased—hindi maiiwasan yon [dahil] opinyon nila ‘yon e. Pero dito sa MTRCB, wala kaming favorites—kaibigan, kamag-anak,” giit niya.

“‘Wag kayong mag-alala, walang favoritism dito. Kung kailangan managot, sila ay pananagutin. Kung may mag-commit ng violations, of course bibigyan sila ng naaayon na penalty sa kanilang mga violation. ”

Wala namang nakikitang masama si Lala sa halikan ng kanyang magulang sa programang “E.A.T.” dahil ang ganitong aksyon umano ay hindi “indecent.” RNT/JGC