MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na pinaghahanap ng mga awtoridad ng federal sa Texas dahil sa kasong kriminal.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang puganteng si Myklr Aphrodite, 43, na inaresto nitong Huwebes sa Roxas Blvd, Ermita, Manila ng operatiba ng fugitive search unit (FSU) mg BI.
Sinabi ni Tansingco na inaresto si Aphrodite sa bisa ng inilabas nitong mission order sa kahilingan na din ng US embassy sa Manila na humingi ng tulong sa BI sa paghahanap at pag-aresto sa pugante.
Nakakulong ngayon ang Amerikano sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings nito.
Ayon sa mga awtoridad ng US, si Aphrodite ay napapailalim sa isang warrant of arrest na inisyu ng isang korte ng distrito ng US sa Mclennan county, Texas noong Disyembre ng nakaraang taon.
Sinabi ni Tansingco na gaya ng kaso ng lahat ng ibang dayuhang pugante na inaresto ng BI, isasama si Aphrodite sa blacklist ng BI at pagbabawalan na muling pumasok sa Pilipinas. JAY Reyes