Manila, Philippines – Matagumpay na natapos ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Data Privacy Management Program na nagpapatunay sa matibay na pangako ng Ahensiya na pangalagaan ang personal na impormasyon at isulong ang responsableng pamamahala ng datos sa panahon ng digitalisasyon.
Nagbunga ang programa ng 23 bagong Data Privacy Champions.
Sa bilang na yan, lima ay lalaki at 18 ang babae. Sinanay sila para ipatupad ang mga pamantayan sa data privacy at matiyak ang pagsunod sa umiiral na Data Privacy Act of 2012 at iba pang mga polisiya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto ang mahalagang papel ng mga Data Privacy Champions para mapanatiling ligtas, maaasahan at mapagkakatiwalaang Ahensiya ang MTRCB.
“Napakahalaga po para sa ating Ahensiya na tiyaking maayos, ligtas at protektado ang ating mga datos, lalo na’t karamihan sa ating mga transaksyon ay may kalakip na personal at sensitibong impormasyon,” sabi ni Sotto.
Pinuri naman ni KAT-C Business and Data Privacy Consulting Inc. CEO Atty. Krishna Aira Tana-Caguia ang inisyatiba ng MTRCB na palakasin ang data privacy ng Ahensiya.
“Ipinapaabot namin ang taos-pusong pagbati sa matagumpay na pagtatatag ng Data Privacy Management Program ng MTRCB,” sabi ni Tana-Caguia.
“Ito ay isang malinaw na tagumpay sa MTRCB na nagpapakita ng kanilang pananagutan sa pagsunod sa Data Privacy Act of 2012 at ng kanilang pangako na protektahan ang personal na datos na kanilang pinoproseso habang ginagampanan ang kanilang mandato,” dagdag pa niya.
Kabilang sa programa ang presentasyon ng bawat Data Privacy Champions ng kanilang hakbang tungkol sa pagpapatupad ng mga risk treatment controls at mga pagpapabuti para mapalakas ang data privacy framework ng ahensya.
Ang inisyatiba ay nagpapakita ng dedikasyon ng Board na mailinya ang mga hakbang sa pambansa at pandaigdigang pamantayan pagdating sa pagprotekta ng datos.
“Ang maagap na hakbang ng MTRCB sa pagtatatag ng programang ito ay nagpapakita ng malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng data privacy sa panahon ngayon. Isa itong patunay sa dedikasyon ng Board upang matiyak na ang mga karapatan ng mga data subject ay napangangalagaan,” diin ni Tana-Caguia. JP Ignacio