IPINAAALAM ng Social Security System (SSS) na nagpatupad na ito ng multi-factor authentication scheme sa pag-log-in sa My.SSS portal.
Kaya pinaaalalahanan ng SSS ang mga miyembro na i-update ang kanilang contact information, partikular na ang kanilang mga mobile number.
Ayon kay SSS officer-in-charge Voltaire Agas, gumawa ang state insurance ng isang proaktibong hakbang sa pagdaragdag ng authentication process sa tuwing nagla-log in ang mga miyembro sa kanilang My.SSS account para sa seguridad ng mga miyembro.
Ang passcode ay ipapadala sa nakarehistrong mobile number ng miyembro sa talaan ng SSS sa tuwing sila ay mag-a-access ng kanilang My.SSS account.
Magiging problema ang luma o hindi aktibong contact information sa pag-log-in sa portal. Sa pag-update ng contact information ay matatanggap ang mga code para ma-verify ang pagkakakilanlan kapag nag-sign in sa online account.
Maaaring i-update ng mga miyembro ang kanilang contact information online o sa anomang SSS branch office.
Dagdag pa ni Agas, kung may nakarehistrong mobile number sa SSS database ngunit hindi na ito ginagamit, kailangan na itong i-update ang detalye online sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account.
Para naman sa mga miyembrong walang nakarehistrong mobile number sa talaan ng SSS, maaari nilang i-update ang kanilang contact information sa pamamagitan ng pagsusumite ng Member Data Change Request form sa anomang SSS branch office sa buong bansa.
Sinabi naman ni SSS senior vice president for Information Technology Management na si Maria Belinda San Jose, may dalawang opsyon ang mga miyembro ng SSS para sa multi-factor authentication sa pag-access ng kanilang My.SSS account. Ito ang SMS One-Time Password (SMS-OTP) at Time-based One-Time Password (TOTP).
Sa default na setup, maaaring gamitin ng mga miyembro ang SMS-OTP sa pag-login sa kanilang account. Isang six-digit passcode ang ipapadala sa kanilang SSS-registered mobile number tuwing sila ay magla-log in. Gagamitin ito para ma-verify ang kanilang pagkakakilanlan sa My.SSS Portal.
Maaaring gamitin ng mga miyembro ang TOTP bilang kanilang preferred authentication method. Kailangang ipasok ang verification code sa Google Authenticator app para ma-access ang kanilang My.SSS account.
Ang pagpapatupad ng dalawang authentication options na ito para sa My.SSS Portal ay nagpapalakas ng security feature ng online portal, na nagpapababa ng panganib ng unauthorized access at posibleng pandaraya.