MANILA, Philippines – SINABIHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at local government units na tiyakin na nakahanda para sa storm surges sa gitna ng banta ng Bagyong Pepito.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City para i- assess ang epekto ng tropical cyclones Ofel at Pepito.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang PAGASA na kagyat na mag- produce ng isang storm surge map at tukuyin ang safe evacuation areas upang magawa ng mga apektadong LGUs na bigyang babala ang mga residente na kanilang nasasakupan.
“Communities at risk of storm surges must prepare for more than just heavy rains and strong winds,” ayon kay Pangulong Marcos.
“The test is the height of the storm surge, so if it’s at 3 meters, we have to look at the topographical map and see where three meters is. The communities that are within storm surge areas have to do other things besides just preparing for strong winds and heavy rains. Iba ang effect niyan,” aniya pa rin.
“We have to get people to high ground. It’s not enough to move them away from the sea. That’s the only thing we can do in case of a storm surge,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa kabilang dako, nagpalabas ang PAGASA ng babala ng ‘moderate to high-risk, life-threatening storm surges’ na may taas na posibleng umabot sa 3 metro na higit sa normal na antas ng tubig.
Ang mga apektadong coastal areas ay Calabarzon, Bicol at Eastern Visayas.
Si Pepito ay tinatayang lalakas at magiging super typhoon bago pa tumama sa Catanduanes, Sabado ng gabi o Linggo ng umaga, ayon sa PAGASA.
Tatawid ito sa bahagi ng Bicol at Central Luzon, Linggo ng gabi.
Si Pepito ay inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility, araw ng Lunes.
PATULOY naman ang DSWD sa pagpo-produce ng food packs para sa nagpapatuloy na disaster ops, potensiyal na epekto ng Bagyong ‘Pepito’
Sa katunayan, ang Department of Social Welfare and Development ay ‘non-stop’ sa pagpo-produce ng family food packs para punan ang mga naipamahagi na sa mga disaster response operations para sa nakalipas na tropical cyclones at inaasahang epekto ng Bagyong Pepito.
“While we do preposition, we produce in our warehouses simultaneously… We produce, preposition, dispatch and respond—all at the same time,” ang sinabi naman ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian sa press briefing.
Bago pa ang pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine, ang DSWD ay mayroong national stockpile na 2.096 milyong family food packs.
Napanatili ng departamento ang national stockpile na 1.3 milyong family food packs.
Tinuran ni Gatchalian na target ng DSWD na mag-produce ng kulang-kulang 1 milyong family food packs mula November 30 hanggang December 7.
““This is on top of the 1.3 [million]. Laging tinatanong kung kaya pa natin. Kaya natin because we just got our QRF and we can produce another 1 million FFPs,” ang sinabi ng Kalihim.
Sa ngayon, mayroong 455,815 family food packs ang naka- prepositioned sa mga lugar na posibleng tamaan ng Bagyong Pepito.
May kabuuang 109,263 pamilya o 419,923 indibiduwal ang apektado ng tropical cyclones Nika at Ofel sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol at Cordillera Administrative Region.
Samantala, sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinabi nito na may 29,123 katao ang nanunuluyan sa evacuation centers, habang 30,060 katao naman ang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Tinatayang dalawang katao naman ang napaulat na sugatan sa gitna ng pananalasa ng mga Bagyong Nika at Ofel.
Dalawa naman ang napaulat na nawawala.
“Some 3,214 houses were damaged by the two cyclones,” ayon sa NDRRMC.
Sa nasabing bilang, 2,922 ang ‘partially damaged’ habang 292 naman ang ‘totally destroyed.’
Ang weather disturbances na dala ng malakas na pag-ulan ang naging sanhi ng pagbaha sa 176 lugar at kawalan ng suplay ng kuryente sa 71 lungsod at munisipalidad.
Ang klase sa 579 lugar at trabaho sa 212 lugar ay suspendido dahil sa inaasahang epekto ng Nika at Ofel.
Ang pinsala sa imprastraktura ay nagkakahalaga ng P320.65 milyon at sa agrikultura naman ay nagkakahalaga ng P855,000 ang naiulat.
IDINEKLARA naman ang state of calamity sa Dilasag, Aurora.
“Assistance worth P23,062,167 has been provided to the victims so far,” ang sinabi ng NDRRMC. Kris Jose