MANILA, Philippines – Lantarang kinuwestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagbabayad sa contractor ng bumagsak na tulay sa Isabela sa kabila nang kapalpakan sa desinyo at kawalan ng tibay ng istruktura.
Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon subcommittee hinggil sa bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela na bumagsak kamakailan sanhi ng mali at palpak na disenyo.
Isinisisi ng contractor at DPWH sa dumaang trak na sobrang bigat na lumampas sa itinakdang kakayanan ng tulay sa halip na papanagutin ang gumawa nito.
Bakit ang gobyerno at hindi ang contractor ang nagbayad para sa pagkukumpuni ng tulay?,” ayon kay Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na kung pumalpak ang pagkakagawa ng tulay sa kabila nang kumpleto ang bayad ng gobyerno sa halaga ng sininingil, bakit ang pamahalaan ang magdudusa sa pagbabayad sa pagkukumpuni kaysa ang pumalpak na contractor.
“Kung may mga defect ang bridge, palpak, paulit-ulit [ang pagkagawa], at may mga repair, bakit ang gobyerno pa ang nagbayad ng repair, instead of the contractor?” tanong ni Cayetano.
Ayon kay Cayetano, alinsunod sa itinakda ng Procurement law, ang contractor ang pinagbabayad ng DPWH sa pagkukumpuni, habang ang gobyerno naman ang gagastos sa retrofitting ng proyekto.
Sa pagdinig, kinumpirma ni Engineer Adam Abinales ng Urban Engineers, isang third-party firm na kinontrata ng DPWH para tingnan ang kondisyon ng tulay, na natukalsang mga depekto pareho sa disenyo at ang konstruksyon na nagdulot sa pagbagsak ng tulay.
Dahil dito, diniin ni Cayetano sina DPWH Undersecretary Loreta Malaluan – na nagsilbing Regional Director of Region III noong panahong iyon – at project contractor R.D. Interior Jr. Construction.
Kinuwestiyon din ng senado ang dalawa kung bakit kailangan ang retrofitting at bakit dapat sagutin ng gobyerno ang gastos.
“Bakit mo hinalo ang dapat bayaran ng contractor sa dapat bayaran ng gobyerno?… Hindi ba tayo nagtataka kung bakit may outrage tayo dito, RD?” tanong ng senador kay Malaluan.
Binigyang diin naman ni Cayetano ang kahalagahan ng transparency sa usaping ito dahil may direktang epekto ito sa kaligtasan ng publiko.
“We should get to the bottom of this. This is your chance. Kapag pumunta ito sa Ombudsman, panay papel lang iyong explanation niyo. Dito pwede ninyo i-articulate at i-explain,” wika ng senador. Ernie Reyes