MANILA, Philippines – IBINAHAGI ng Octa Research na sakaling ngayong araw gagawin ang eleksyon ay 100% na mananalo ang tambalang Isko Moreno Domagoso at Chi Atienza sa pagka-alkalde at bise alkalde sa Lungsod ng Maynila.
Sa ginanap na Meet The Manila Press forum, sinabi ni Prof. Ranjit Singh Rye, President ng Octa Research, batay sa resulta nang isinagawa nilang survey nitong Abril 20 hanggang 23, 2025 sa 710,980 respondents mula sa anim na distrito ng Maynila, nakakuha ng kabuuang 63% voter preference si Domagoso mula sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila.
Malayo ito sa mga nakuhang porsiyento ng kanyang mga katunggali na sina incumbent Mayor Honey Lacuna na 18%, Sam Versoza na 16% at Raymond Bagatsing na 1%.
Bagama’t tumaas ng 3% mula sa kanyang dating rating na 15% si Mayor Lacuna, nananatili pa rin na nasa margin of error ito na +/-3% sa OCTA Research survey.
Si Chi Atienza naman ay nakakuha ng 60% voter preference habang ang katunggali nito na kasalukuyang Vice Mayor ng Maynila na si Yul Servo Nieto ay nakakuha lamang ng 33%.
Ayon naman kay Prof. Guido David, malaki ang posibilidad na hindi na makahabol pa ang ilang katunggali ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mayoraly race dahil maigsi na lamang ang panahon ng pangangampanya bago ang May 12 elections.
Giit ni David, kahit pa gumamit ng “Black Propaganda” laban kay Domagoso, imposible na ring mapantayan o maungusan ito nina incumbent Manila Mayor Honey Lacuna at Sam ‘SV”.Versoza.
Ayon pa sa OCTA, ilan lamang sa malaking factor kaya mataas pa rin ang rating o porsyento ni Domagoso kumpara sa kasalukuyang alkalde ng Maynila ay dahil base sa isinagawang survey, nais ng mga botante ng lungsod na muling maibalik ang maayos na pamamahala na ginawa noon ni Domagoso partikular na sa kalinisan, disiplina, at kaayusan sa kapitolyo ng bansa.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Prof. Rye na ang kanilang isinagawang survey ay isang instrumento lamang sa pulso ng bayan at maari pa itong magbago habang papalapit ang eleksyon.
Aniya, ang kanilang survey ay isang apolitical, non-partisan, at non-profit kung saan isinasagawa nila ito quarterly na walang nagmamay-ari at ibinibigay ng libre. JR Reyes