Home NATIONWIDE Mungkahi ng eksperto: Pagputol ng kaugnayan sa CCG dapat ipanawagan ng Pinas...

Mungkahi ng eksperto: Pagputol ng kaugnayan sa CCG dapat ipanawagan ng Pinas sa ibang bansa

MANILA, Philippines- Sinabi ng isang maritime law expert na dapat ipanawagan ng Pilipinas sa international community na putulin ang relasyon sa China Coast Guard (CCG) pagkatapos ng marahas na insidente sa Ayungin Shoal.

Sinabi ni Jay Batongbacal, associate professor sa University of the Philippines College of Law at direktor ng Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea ng unibersidad sa panayam ng Bagong Pilipinas, ang aksyon ay magpapatibay, magbabatikos, o magtatakwil sa CCG na maaaring pilitin itong itigil ang mga ilegal na aktibidad nito sa West Philippine Sea (WPS).

“Dapat siguro, at the minimum, ikampanya natin sa mundo na huwag na silang makipagtungo dito sa CCG na parang nagpapapanggap lang siya na maritime safety agency. Dahil doon, meron siyang mga contacts and cooperation arrangements sa ibang bansa,” sabi pa ng maritime expert.

“Pero malinaw na hindi siya ganun. Ginagamit lang siya para gamitan ng dahas ang ibang bansa na contrary talaga sa nature at purpose ng isang coast guard,” dagdag pa ng eksperto.

Mungkahi ni Batongbacal sa Pilipinas na dapat ipagpatuloy ang kooperasyong sa mga kalayadong bansa at bumuo ng bagong pressure upang pigilan ang mga agresibong aksyon ng China sa WPS.

Sinabi rin ni Batongbacal na dapat humingi ng kapalit ang Pilipinas para sa Chinese envoy at pilitin na magbayad sa pinsalang idinulot nito sa pinakabagong insidente sa Ayungin Shoal.

Inilarawan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Lunes ang insidente bilang “isang agresibo at ilegal na paggamit ng pwersa ng mga Chinese.”

Sa kabila ng paulit-ulit na probokasyon ng China, sinabi ni Teodoro na ang gobyerno ng Pilipinas ay patuloy na maghahanap ng mapayapang solusyon.

Para kay Batongbacal, sakaling magtangkang sumakay ang mga Chinese sa BRP Sierra Madre, makatwiran ang mga tropang Pilipino na gumamit ng karahasan para sa pagtatanggol sa sarili. Jocelyn Tabangcura-Domenden