QUEZON- Arestado ang isang Most Wanted Person at umano’y kolektor ng New People’s Army (NPA) at kasama nito matapos maharang ng mga awtoridad sa isinagawang checkpoint, iniulat kahapon sa Lucena City.
Kinilala ni Lieutenant Colonel Dennis de Guzman, hepe ng Lucena City Police, ang nadakip na suspek na si Darwin Palo, 31, alyas “Queen” at kasama nitong si Jay-Ar Montales, 33, construction.
Sa report ng 2nd Infantry Division, PA, nagsasagawa ang mga awtoridad ng checkpoint sa nasabing lungsod noong Huwebes, dumaan ang mga suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ni Monatales subalit hindi huminto ang mga ito.
Hinabol ng mga pulis at militar ang suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito at nakuha kay Montales ang caliber .32 na may anim na bala sa loob ng sling bag.
Isinailalim sa interogasyon ang mga suspek at nadiskubre na may anim na warrant arrest si Palo sa mga kasong double homicide, attempted homicide, multiple attempted murders, attempted murder, frustrated homicide, at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Sinabi ng mga awtoridad na si Palo ay isa sa mga lider ng NPA na nangongolekta ng “permit-to-campaign” (PTC) fees sa kandidato sa probinsya ng Quezon.
Bukod sa pera, nanghihingi din ang mga suspek ng bigas, gamot, pagkain at armas.
Si Palo ay No. 1 sa listahan ng mga most wanted person sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Nakakulong ngayon sa lock-up facility sa Lucena City Police ang mga suspek pata sa tamang proseso at dokumentasyon. Mary Anne Sapico