MANILA, Philippines – Siniguro ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na walang anumang magiging isyu sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit-probinsya ngayong tag-init.
“Nakapag-ipon tayo for this summer, kaya ine-expect natin na hindi magkakaroon ng kakulangan [sa supply] ng tubig…,” ayon kay Patrick Dizon, MWSS acting deputy administrator, sa panayam ng DZBB.
Ani Dizon, ang elevation ng Angat Dam sa Bulacan ay kasalukuyang nasa 208 metro.
“Sa ganitong elevation na 208 meters, hindi tayo magkakaroon ng water shortage this year,” sinabi pa ni Dizon.
Ito ay mas mataas sa 195 metro na elevation ng Angat noong nakaraang taon.
“Ninety percent ng ating supply sa buong Metro Manila at karatig probinsiya ay nanggagaling sa Angat Dam,” aniya.
Sinabi rin ng MWSS official na bumababa ang dependency ng Metro Manila at mga karatig-probinsya sa Angat Dam dahil sa mga nagiging operational na bagong dam.
“Last year, nasa 96% ang ating dependency sa Angat Dam. Sa ngayon, napababa na natin ito sa 90%. Kapag na-operate na ang Wawa Dam, magiging 86% na lamang ito… By December 2025, mao-operate na ang Wawa Dam,” sinabi ni Dizon.
Inaasahang magkakaroon ng isang taong water supply capacity ang Upper Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal, o mahigit 700 milyong liters per day.
Makikinabang dito ang mga residente ng greater Metro Manila area, kabilang ang probinsya ng Rizal. RNT/JGC