Home NATIONWIDE NAC nakatanggap na ng 28 aplikasyon para sa amnestiya

NAC nakatanggap na ng 28 aplikasyon para sa amnestiya

MANILA, Philippines- Nakatanggap na ang National Amnesty Commission (NAC) ng 28 aplikasyon para sa amnestiya, ayon kay NAC chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento nitong Biyernes.

“So far, ang natanggap namin na talagang hard copy na application ay only 28. But we are going to places of detention kasi marami na nandoon ang gustong mag-apply for amnesty,” pahayag ni Tanodra-Armamento sa televised public briefing.

Kabilang sa mga humiling ng amnestiya ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian-Army/Alex Boncayao Brigade, Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front, Moro Islamic Liberation Front, at Moro National Liberation Front.

Ani Tanodra-Armamento, maaari silang maghain ng aplikasyon sa loob ng dalawang taon mula Marso 2024.

Samantala, sinabi niyang ang mga indibidwal na nag-aapply para sa amnestiya ay mga dating rebelde.

“From the time you submit your application… we are giving ourselves 90 days hanggang sa ma-submit namin sa Office of the President. And then it’s the President’s call now kung hanggang kailan niya matapos,” paglalahad ng opisyal.

Lumikha ang NAC ng siyam na field offices sa buong bansa. Ani Tanodra-Armamento, target nilang magtatag ng 10 pa.

“Sila ‘yung mga nag e-engage sa ating mga persons deprived of liberty (PDLs). Sila ‘yung mga dumadalaw. Sila din ang nakikipag-usap sa ating security sector,” wika niya.

Lalagda rin ang NAC ng memorandum of agreement sa National Commission of Muslim Filipinos sa pagbabahagi ng impormasyon hinggil sa amnestiya.

Noong Abril, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang agarang implementasyon ng amnesty program para sa natitirang communist rebels. RNT/SA