Home OPINION NAGKANDALETSE-LETSE NA SA PI AT CHA-CHA

NAGKANDALETSE-LETSE NA SA PI AT CHA-CHA

DAHIL sa People’s Initiative at Charter Change, nagkakandaletse-letse o nagkagulo-gulo na ang buong bansa.

Kabilang sa mga pinakahuling balita ang pinalutang ni ex-Pangulong Digong Duterte na posibleng may magpapirma ng pakikipaghiwalay ng Mindanao mula sa teritoryo ng Pilipinas na binubuo ng Luzon, Visayan at Mindanao.

Nagsabi naman ang Commission on Elections ni Chairman George Garcia wala itong maisasagawa na plebisito ngayong 2024 at 2025 dahil sa halalang nakatakda sa 2025.

Paghahain na ng kandidatura sa Oktubre 2024 at kakainin na ng proseso ng halalang 2025 ang buong panahon ng Comelec mula sa buwang ito.

Magkagayunman, sinasabing isisingit ang plebisito para sa PI sa buwan ng Hulyo at bago mag-Oktubre.

Ngunit sinuspinde naman ng Comelec ang pagtanggap nito ng mga papel na pinapipirmihan para sa PI at pag-verify kung totoo o peke ang mga taong pumirma.

Kaugnay nito, pinababantayan naman ng Senado ang posibleng paggamit ng Comelec ng P12 bilyong pondo nito na maaaring gastusin para sa PI dahil pondo ang isang susi sa pagpapatupad nito.

KASO LABAN SA PI CON SUHOL

Nandiyan naman ang pagbibigay kay Senate President Migz Zubiri ng kapangyarihan na maghain ng habla sa kaukulang korte laban sa korapsyon at suhulan sa pagpapapirma sa PI kahit pa deny to death si House Speaker Martin Romualdez na sangkot siya rito at laban naman mismo sa PI sa Supreme Court.

Nauna rito ang manifesto ng lahat ng 24 senador laban sa PI na lulusaw sa hiwalay na kapangyarihan ng Senado at Kamara sa pagboto sa paggawa ng batas at sa checks and balance ng Senado at Kamara.

Nagagamit ang checks and balance sa maraming usapin, kasama na ang laban sa paggawa ng batas na makasasama sa mamamayan, pagnanakaw sa pondo ng bayan at pang-aabuso sa kapangyarihan.

PAGDUDUDA SA PI NI PBBM

Sa huli, sinasabi na rin mismo ni Pang. Bongbog Marcos na duda na siya kung pupwede pa ang PI bilang isang paraan para sa pagbabago ng Konstitusyon.

Tila yumuyuko naman ang ilang kongresman sa mga senador sa pagsasabing anomang pagbabagong ipapanukala ng mga senador, aaprubahan na lang nila ito…pero sa mga pang-ekonomiyang usapin lang.

Paano ang mga pampulitikang pagbabago na tila nakaumang gaya ng paglusaw sa termino at unli na ang termino ng lahat ng halal na opisyal, lalo na ang mga bigtime?

O kaya’y pagsibak sa kasalukuyang sistemang presidensyal ng gobyerno at gagawin nang parliamentaryo para gudbay na ang mga posisyong Pangulo, Pangalawang Pangulo, senador at kongresman at papalitan ng Prime Minister at miyembro ng parliamento na maaaring maganap sa anomang buwan o taon mula ngayon?

MAMAMAYAN NAPABABAYAAN

Nalululong na ang mga bigtime na politiko sa pagsusulong ng PI na sinasalungat naman ng iba.

Nakapanlulumong naiiwan ang mga mamamayan na nabubulid sa napakamamahal nang bigas, langis at ibang bilihin, alanganing sahod, trabaho at hanapbuhay, napakababang kalidad ng edukasyon, korapsyon, mapanganib na kalagayan ng milyong kalagayan ng mga overseas Filipino worker sa Middle East at Europa at iba pa.  

Saang kamotehan o kangkungan kaya tayo pupulutin sa gitna ng mga kaguluhang ito?