MANILA, Philippines – Ayon sa Philippine National Police (PNP), may 415 gasolinahan sa buong bansa ang pansamantalang sarado nitong Miyerkules ng umaga dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina dulot ng tensyon sa Middle East.
Pinakamataas ang bilang ng hindi operational na gasolinahan sa Cordillera Administrative Region na may 78, sinundan ng Cagayan Valley (50), Central Luzon (42), Calabarzon (35), at Bicol (30). Binabantayan ng PNP ang 14,269 fuel stations sa bansa.
Nagkaroon na rin ng reklamo sa Solano, Nueva Vizcaya tungkol sa overpricing, at may tatlong kaso na isinampa laban sa umano’y hoarding, overpricing, at unfair competition.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., handa ang pulisya na tugunan ang anumang iregularidad.
“Mahigpit nating binabantayan ang sitwasyon. Hindi natin papayagan na samantalahin ito ng ilan para manloko o mang-abuso,” ani Nartatez.
“Our police forces are on the ground to ensure that order is maintained and that our people are protected,” dagdag pa niya.
Pinalakas ang presensya ng pulisya sa mga gasolinahan, depots ng suplay, at iba pang kritikal na pasilidad upang pigilan ang ilegal na gawain at masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo. Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Department of Energy (DOE) at lokal na monitoring bodies upang subaybayan ang suplay at presyo ng gasolina.
Pinayuhan ng PNP ang publiko na ipagpatuloy ang normal na gawain, gamitin ang gasolina nang responsable, at umasa lamang sa opisyal na balita para sa updates. RNT/MND