Home OPINION NAHAHARAP SA ISANG “WATER CRISIS” ANG BANSA

NAHAHARAP SA ISANG “WATER CRISIS” ANG BANSA

Ipinaalam ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang paglagda niya sa isang executive order na lumilikha ng Water Resource Management Office habang patuloy na tinatalakay sa Kongreso ang panukalang batas hinggil sa pagbubuo ng isang Department of Water Management. Ang pangunahing dahilan ng Pangulo ay dahil nahaharap sa isang “water crisis” ang bansa.

Pag-amin ni Pangulong BBM, bagama’t hindi pa malawakan ay may mga lugar na sa bansa na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng malinis na tubig na maaaring nagmumula sa mga water concessionaires, water districts, fresh water at ground water. Marami umanong dahilan, isa na ang mabilis na urbanisasyon na sinasabayan ng pagdami ng bilang ng populasyon na nangangailangan din ng tubig.

Ang problema, bagamat mayroong sinusunod na National Integrated Water Framework Development ang bansa, pansamantala lamang ito, mas kakailanganin ang reporma sa water sector lalong-lalo na sa pamamahala nito.

Kaya nga sa kauna-unahang SONA o State of the Nation Address ng Pangulo ay kasama ang pagbuo sa departamento sa kanyang prioridad na legislative agenda. Pamamaraan ito para mapagsama-sama ang kilos ng mahigit tatlumpung ahensya na may mandato ukol sa tubig.

Bagama’t nariyan ang NWRB o ang National Water Resources Board na siyang pangkalahatang namamahala sa malinis na tubig, ang ibang responsibilidad ay hawak ng ibang ahensya ng pamahalaan katulad sa local water utilities.

Ayon sa datus ng water.org, nasa 57 million na mga Pilipino ang nakararanas ng kakulangan sa malinis na tubig.

Previous articleBreakwater sa Batanes giba sa malalakas na alon ng bagyong Betty
Next articleSpecial committee sa Manila Central Post Office restoration, binuo ng Senado