Home HOME BANNER STORY NAIA bollards pinaiimbestigahan ni PBBM

NAIA bollards pinaiimbestigahan ni PBBM

MANILA, Philippines- Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon ukol sa ‘installation at procurement’ ng bollards o vehicle barriers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, kasunod ng trahedya na nagresulta ng pagkasawi ng dalawang katao.

Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang bollards, nabigong mapahinto ang SUV na sumagasa sa mga tao sa labas ng Terminal 1, ay inilagay o ikinabit noong 2019, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa ilalim ng liderato ni dating Transportation Secretary Arthur Tugade.

“Nakakalungkot po na may mga nasawi dahil sa di umano’y depektibong bollard na na-install sa NAIA Terminal 1,” ang sinabi ni Castro.

Dahil dito, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na imbestigahan ang ‘procurement process’ at i-assess kung ang specifications na ginamit sa pagkakakabit ay nakatugon sa safety standards.

“Pinaiimbestigahan na po kung paano ang naging procurement pati na ang specifications sa pag-uutos ng pangulo,” ang winika ni Castro.

“At ito’y tutugunan kaagad-agad ni Secretary Vince Dizon. Pati po ang pag-inspect sa mga bollard at mabilisang pagpapalit nito para sa safety po ng nakararami,” dagdag niya. Kris Jose