Home NATIONWIDE PCG nababahala sa Chinese ship malapit sa Ilocos Norte

PCG nababahala sa Chinese ship malapit sa Ilocos Norte

MANILA, Philippines- Nakababahala umano ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) kamakailan sa Ilocos Norte na isang Chinese research vessel dahil ang barko ay may deep sea mapping capabilities para sa submarine deployment.

Sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang Tan Suo 3 ay nagsasagawa ng ilegal na marine scientific research sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Para kay Tarriela, ang ilegal na aktibidad ng barko ng China sa EEZ ng Pilipinas ay isang security concern.

Noong Lunes, unang na-detect ang Tan Suo 3 na pumasok sa EEZ noong Mayo 1 sa layong 92 nautical miles sa karagatan sakop ng Burgos, Ilocos Norte.

Idineploy na ng PCG ang BRP Teresa Magbanua at isang aircraft upang i-monitor, i-challenge at i-escort ang Chinese ship palabas ng Philippine EEZ.

Na-monitor ng PCG ang manned deep-sea submersible vessel patungo sa Tan Suo 3.

Maliban dito, naobserbahan din ng PCG ang rigid hull inflatable boat na nagrerekober ng dilaw na hindi matukoy na piraso ng equipment na nauugnay sa marine scientific research activities.

Sinabi ni Tarriela na nitong Martes ng umaga, ang Tan Suo 3 ay matatagpuan sa 250 nautical miles ng baybayin ng Burgos –labas ng Philippine EEZ. Jocelyn Tabangcura-Domenden