MANILA, Philippines – Nangako ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na magsasagawa ng malalim at patas na imbestigasyon kaugnay ng umano’y extortion scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kung saan limang airport police ang tinanggal sa puwesto dahil sa paghingi umano ng 40% ng kita ng mga taxi driver.
Ayon sa Department of Transportation, napipilitan ang mga driver na maningil ng sobra sa pasahero para lang hindi maharang o ipagbawal sa airport.
Nakikipagtulungan na ang MIAA sa Land Transportation Office (LTO) para beripikahin ang mga kahina-hinalang traffic violation tickets na inisyu sa mga driver.
Bumuo na ng imbestigasyon ang MIAA Intelligence and Investigation Division para mangalap ng ebidensya at magsumite ng rekomendasyon.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, walang taxi driver ang nakulong sa ilalim ng kanyang pamumuno, ngunit may mga nahuling lumabag sa illegal parking.
Naalala rin niya ang isang insidente kung saan pinahuli ng PNP-CIDG ang dispatcher na kasabwat ng ilegal na taxi sa Terminal 1.
Samantala, inanunsyo ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), ang pribadong operator ng airport, ang pagpapatupad ng mas mahigpit na mga hakbang: audit ng taxi accreditation, dagdag na CCTV at security personnel, bagong tamper-resistant ID markings para sa lehitimong taxi, at digital reporting tool para mas madaling makapagreklamo ang mga pasahero laban sa mapagsamantalang transport provider. RNT