Manila, Philippines – Sa kauna-unahang pagkakataon ay naitala ang pinaka-maikling sesyon ng Kamara na tumagal lamang ng mahigit limang minuto.
Matapos magbukas ang sesyon ng alas-3:00, agad itong sinuspinde sa loob lamang ng dalawang segundo. Nang magbalik ng 3:25, muli itong agad na sinuspinde hanggang bukas ng alas-3:00 ng hapon.
Ito ay matapos mapabalitang nakatakdang mag-privilege speech si Rep. Francisco “Kiko” Barzaga ngayong hapon.
Ngayon ding hapon, umugong ang usapin na magkakaroon ng pagbabago o pagpapalit sa liderato ng Malaking Kapulungan ng Kongreso, na siyang nakikitang dahilan kung bakit agad na itinigil ang sesyon.
Naunang napaulat na si House Speaker Martin Romualdez ay sasailalim sa leave at ang inaasahang papalit diumano ay si Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III, na sinasabing nakakuha ng sapat na bilang para umupong speaker.
Ngunit bukod kay Dy, lumutang din ang mga pangalan nina Bacolod Rep. Alfredo “Albee” Benitez, Cebu Rep. Duke Frasco, at Navotas Rep. Toby Tiangco.
Si Romualdez ay nahalal na speaker noong 19th Congress at muling nagsilbi simula ng 20th Congress. Subalit sa kasalukuyan ay nahaharap ito sa mga batikos matapos kwestyunin ang proseso ng pagpasa sa 2025 national budget.
Magugunitang nagbanta na ang NUP, sa pamumuno ni Antipolo Rep. Ronaldo Puno, na ipaghahain ng kaso sa Ethics and Privileges Committee si Barzaga dahil sa mga post nito sa Facebook at mga aktwasyon na anila’y hindi nararapat sa isang kongresista. (Meliza Maluntag)