Home OPINION NAKAIIRITANG GASTOS SA MGA SEMINAR NG PAMAHALAAN

NAKAIIRITANG GASTOS SA MGA SEMINAR NG PAMAHALAAN

165
0

ILANG buwan na ang nakalipas, naging usap-usapan sa social media ang ilang delegado ng Sangguniang Kabataan na umano’y nagpunta sa Thailand para sa isang “seminar.” Ngunit mas kapansin-pansin sa mga larawang kumalat ang kanilang tila “major, major” na itinerary: ang pagsakay sa mga elepante. Dahil dito, marami ang napaisip kung ano nga ba ang itinuturing na “training” sa ilang bahagi ng pamahalaan sa kasalukuyan.

Nitóng unang bahagi ng buwan, may panibagong isyu nang may 12 lokal na opisyal mula sa Bulacan — 11 bise alkalde at isang alkalde — na naiulat na na-stranded sa Dubai dahil sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang mga ‘drone attack’ ng Iran.

Ipinaliwanag ni Jonvic Remulla Jr., Kalihim ng Department of the Interior and Local Government, na may travel authority ang mga opisyal at ang biyahe umano ay ginawa sa kanilang “personal capacity.” Ayon sa kanya, hangga’t walang pondong galing sa gobyerno ang ginamit, maaari namang payagan ang ganitong paglalakbay.

Ngunit kahit may ganitong paliwanag, dapat pa ring magtanong ang mga nagbabayad ng buwis tungkol sa ganitong mga gawain na tila matagal nang umiiral sa sistema.

Sa aking pananaw, isa sa mga hindi gaanong napapansin ngunit matabang lupa para sa korapsyon ang buong kultura ng mga training, conference, at seminar na isinasagawa ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at ng mga local government unit o LGU.

Ganito kadalasan ang sistema: sama-samang bumibiyahe ang mga opisyal patungo sa mga venue na malayo sa kanilang opisina — kung minsan ay sa mga hotel sa Metro Manila kahit mula lamang sila sa mga kalapit na probinsya. Sa ibang pagkakataon, sa ibang bansa pa ginaganap ang mga ito. Lahat ng ito ay may kaakibat na gastos: hotel accommodation na kadalasan ay nasa mamahaling lugar, pamasahe sa eroplano, VIP transport arrangements, at higit pa riyan, ang mga daily allowance na itinatakda ng mga patakaran ng gobyerno para sa ganitong mga aktibidad.

Ang simpleng tanong: ito ba talaga ang pinakamainam na paggamit ng pera ng taumbayan?

Lalo na ngayon na pinapayagan na ng teknolohiya na maisagawa ang maraming conference online — sa pamamagitan ng mga platform tulad ng Zoom at Microsoft Teams — na hindi lamang epektibo kundi mas matipid pa.

Ngunit dahil pinopondohan o pinapadali ng badyet ng gobyerno ang mga biyahe, nagiging pagkakataon ito para sa “travel goals” at social climbing. Kaya kadalasan, ginagawa ito nang hindi gaanong ipinapahayag sa publiko.

At saka nagaganap ang mga insidenteng tulad ng nangyari sa Dubai. Kung talagang walang kahina-hinala sa naturang group travel, bakit hindi ito imbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Bise Gobernador na si Alex Castro?

Kung magpapatuloy ang ganitong sistema — sa pambansang ahensiya man o sa mga LGU — tiyak na bababa rin ito hanggang sa antas ng barangay, tulad ng nangyari sa SK.

Anong halimbawa ang naibibigay natin sa kabataan at sa mga susunod na lider mula sa ‘grassroots’ kung kahit ang “new employee orientation” ay nagiging out-of-town resort affair — may overnight stay, swimming, cocktails, at iba pang luho na hindi kayang tustusan ng karaniwang Pilipino?

Hindi ganito ang mukha ng tunay na serbisyo publiko. At lalong hindi ito ang dapat pinopondohan ng buwis ng mamamayan.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here