Home OPINION NAKAKARMA NA NGA BA SI GARMA?

NAKAKARMA NA NGA BA SI GARMA?

NALALANTAD na ang katakot-takot na anomalyang natutuklasan sa katauhan ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma na hindi nabigyang pansin sa panahon ng dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maaaring noon pa man ay may nakababatid na rin ng mga kabuktutang kinasasangkutan ni Garma pero sino ba naman ang maglalakas-loob noon na sitahin o ibulgar ang mga nalalaman nang siya pa ang PCSO chief kung obvious naman na bagyo ang kanyang dating kay former President Digong Duterte?

Pero nag-iba na ang ihip ng hangin nang mawala na sa kapangyarihan ang dating Pangulo kaya sumisingaw na ang umano’y mga krimen at anomalyang kanyang kinasasangkutan dahil sa isinagawang imbestigasyon ng Quad Committee ng Kongreso. Ang pinakamabigat nga rito ay ang pagtuturo sa kanya bilang utak sa pagpaslang kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga, kasama si Napolcom Commissioner Ret. PCol Edilberto Leonardo, na tulad ni Garma ay itinanggi ang akusasyon.

Si Garma rin ang itinuturong nagbigay umano ng utos na paslangin noong taong 2016 ang tatlong Chinese drug lords na noon ay nakapiit sa Davao Prison and Penal Farm. Pero hindi lang sa pagpatay iniuugnay si Garma kundi sa mga nangyari umanong anomalya sa PCSO sa panahon ng kanyang pamumuno, kabilang na ang marangya niyang pamumuhay at pagkakaloob ng donasyon sa binuong STL Partylist kung saan 2nd nominee ang kanyang pinsan habang asawa ng kanyang close in police security ang first nominee.

Naungkat din ang pagkakaroon niya ng magarang mansion sa Hilltop sa Cebu na itinanggi niyang siya ang nagmamay-ari pero kalaunan ay inamin niyang siya ang gumastos sa pagpapaganda nito para raw magamit ng mga opisyal. Pati ang pagtatalaga ni Garma sa kanyang anak, pinsan, hipag at iba pang kaanak sa PCSO ay nabuking sa pagdinig at inamin naman ito ng dating opisyal at ikinatuwiran na kwalipikado naman umano ang mga ito, bukod sa may tiwala at kumpiyansa siya sa mga ito.

Yun nga lang, nasopla si Garma nang ungkatin ni Sta Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez ang kwalipikasyon ng kanyang anak bilang isang confidential agent dahil hindi lang pala trust and confidence ang kailangan para sa naturang posisyon kundi dapat ay may karanasan sa law enforcement na wala ang kanyang anak na babae.

Kung sabagay, hindi naman si Garma ang ang may ganitong kostumbre dahil marami rin namang mga opisyal ng pamahalaan, itinalaga man o halal, ang naglalagay sa puwesto sa kanilang mga kaanak dahil nasa mga ito raw ang kanilang tiwala at kumpiyansa.

May batas man ang ating bansa laban sa nepotismo, hindi naman ito maayos na nai-implementa, tulad din ng iba pang mga batas na sa una lang ipinatutupad at sa kalaunan ay nalilimutan na. Ganyan talaga ang ugali ng mga Pinoy, magaling sa ningas-kugon.

 

ReplyReply to allForward