MANILA, Philippines – Inisa-isa ni Senador Risa Hontiveros ang ilang punto sa pagsasabatas na nakamit ng bansa sa imbestigasyon laban kay dismissed Mayor Alice Guo kabilang ang illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO).
Sa kanyang opening statement sa pagpapatuloy ng Senate probe sa illegal POGO, sinabi ni Hontiveros, chairman ng Senate committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na malapit nang matapos ang pagdinig sa masalimuot na usaping laban sa illegal na POGO.
Ayon kay Hontiveros, “palapit nang palapit ang imbestigasyon sa katotohanan hinggil sa pagtutukoy ng kabuuan ng aspeto ng pagkahalal kay Alice Guo kabilang ang illegal operasyon ng POGO sa bansa.”
Bukod dito, ayon kay Hontiveros na maraming nakamit ang Senado sa pagtatakda ng patakaran sa pamamalakad ng gobyerno na siyang natuklasan sa imbestigasyon partikular ang pagkukulang sa batas at implementasyon.
“We have managed to identify gaps in border control, the system of granting visas, law enforcement, at birth registration at ngayon ay nagkakaroon ng kanya-kanyang pagsisiyasat ang mga ahensya ng pamahalaan na kumikilos sa mga aspetong ito,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na nagkaroon ng pagkakataon ang Kongreso na makalikha ng amendments – tinanggap at ipinasa bilang batas – ang AFASA Law na pinapayagan ang nakumpiskang ari-arian na gamitin para sa proteksiyon ng biktima kahit wala pang pinal na hatol sa kaso.
“Nailantad natin ang kabulukan ng POGO na naging daan patungo sa deklarasyon ng Presidente na tuluyan na itong i-ban,” ayon kay Hontiveros.
Idinagdag pa ng senadora na kasalukuyang pinaghuhusay ang amendments sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act upang isama ang salitang “forced criminality” sa depinisyon ng human trafficking.
“Now, the criminal cases are coming in. Mananagot ang mga nagsamantala sa kahinaan ng ating batas at sa mga marurupok nating opisyales ng pamahalaan. Mananagot ang mga kriminal, ang mga nanakit at nang-aabuso. At oo, hindi lang Pilipino, hindi lang Indonesian o Malaysian o Cambodian ang mga biktima, kundi mga Chinese din. Kaya hindi po ito kontra-Chinese, ito po ay kontra-kriminal,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes