Magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa buong bansa ang Low Pressure Area (LPA) at easterlies ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.
Ayon sa ulat nitong 3 a.m., matatagpuan ang LPA sa layong 80 kilometro silangan hilagang-silangan ng Cuyo, Palawan. Magdadala ito ng pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Zamboanga Peninsula, na maaaring magdulot ng flash flood o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Makakaranas din ng pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Caraga at Davao Region dahil sa easterlies, na may parehong banta ng pagbaha at landslide.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan naman ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, na may panaka-nakang ulan o pagkidlat-pagkulog.
Mananatiling banayad hanggang katamtaman ang lakas ng hangin at pag-alon sa karagatan sa buong bansa. RNT