Home HOME BANNER STORY Wala pang bagong Santo Papa; Itim na usok lumabas sa unang botohan

Wala pang bagong Santo Papa; Itim na usok lumabas sa unang botohan

MANILA, Philippines – Itim na usok ang lumabas mula sa tsimenea ng Sistine Chapel—hudyat ito na nabigo ang mga cardinal elector na pumili ng bagong Santo Papa sa unang balota.

Ayon sa tradisyon, ang itim na usok (fumata nera) ay nangangahulugang walang napiling papa.

Lumabas ang usok bandang alas-3 ng madaling araw, mahigit tatlong oras mula nang magsimula ang conclave—mas matagal kumpara sa unang pagboto noong 2013 nang mahalal si Pope Francis.

Kinakailangan ng dalawang-katlong boto upang mahalal ang bagong Santo Papa; sa 133 botante, kailangang makakuha ng 89 boto ang isang kandidato.

Libu-libong mananampalataya ang naghintay sa St. Peter’s Square, umaasa ngunit hindi nagulat, dahil bihirang may mapili sa unang araw.

Magpapatuloy ang pagboto sa Huwebes, na maaaring umabot sa apat kada araw—dalawa tuwing umaga at dalawa tuwing hapon—hanggang may makamit ang kinakailangang boto.

Nananatiling nakahiwalay ang mga cardinal at tanging sa pamamagitan ng usok sila nakikipag-ugnayan sa labas. Kapag umabot sa 21 boto na walang nanalo, tanging dalawang nangungunang kandidato na lamang ang maaaring pagpilian, ngunit hindi na sila maaaring bumoto.

Umaasa ang ilang cardinal na matatapos ang halalan sa Biyernes upang ipakita ang pagkakaisa ng Simbahan matapos ang 12-taong pamumuno ni Pope Francis, na pumanaw noong nakaraang buwan. RNT