Home METRO Nanalong kongresista ng ika-6 ng distrito ng Maynila nagsalita na sa diskwalipikasyon

Nanalong kongresista ng ika-6 ng distrito ng Maynila nagsalita na sa diskwalipikasyon

MANILA, Philippines – “AKO po ay Pilipino.”

Ito ang inilabas na pahayag ni Manila 6th District Congressman-elect Luis “Joey” Chua Uy makaraang katigan ng Commission on Elections Second Division ang petisyon ni Rep. Benny Abante na ipawalang-bisa ang proklamasyon nito dahil sa hindi pagiging natural-born Filipino citizen.

Sa pahayag ni Uy, ipinanganak umano siya sa Sta. Mesa sa Maynila na kung saan ang kanya umanong ama ay isang “naturalized” Filipino at ang kanya namang ina ay isang “natural-born” Filipino.

“Kung ang inyong ina ay natural-born at ang Pilipinas ang iyong lupang sinilangan, ‘di ba, natural-born Filipino,” saad ni Uy.

Aniya, lumaki, nag-aral, naninirahan, nagsilbi at patuloy umano siyang nagsisilbi sa Lungsod ng Maynila bilang Konsehal ng ilang termino mula pa noong 2004.

Ayon kay Uy, naglabas na siya ng kanyang pahayag dahil marami na umanong lubhang nabahala
at nagkaroon ng kalituhan sa inilabas na resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) patungkol sa di umano’y kuwestionableng pagkamamamayan nito.

Giit ni Uy patungkol sa inilabas na resolusyon ng Comelec na nagsalita na ang mamamayan ng ika-anim na distrito kung sino ang nais nilang maging kinatawan sa Kongreso sa pamamagitan ng isang malaya at demokratikong halalan kaya’t hiling nito sa nasabing komisyon na sana naman ay mapakinggan ang kanilang boses.

“𝙑𝙤𝙭 𝙋𝙤𝙥𝙪𝙡𝙞, 𝙑𝙤𝙭 𝘿𝙚𝙞. 𝙏𝙝𝙚 𝙫𝙤𝙞𝙘𝙚 𝙤𝙛 𝙩𝙝𝙚 𝙥𝙚𝙤𝙥𝙡𝙚 𝙞𝙨 𝙩𝙝𝙚 𝙫𝙤𝙞𝙘𝙚 𝙤𝙛 𝙂𝙤𝙙. 𝘼𝙣𝙜 𝙗𝙤𝙨𝙚𝙨 𝙣𝙜 𝙩𝙖𝙪𝙢𝙗𝙖𝙮𝙖𝙣, 𝙨𝙞𝙮𝙖 𝙧𝙞𝙣𝙜 𝙩𝙞𝙣𝙞𝙜 𝙣𝙜 𝙠𝙖𝙡𝙖𝙣𝙜𝙞𝙩𝙖𝙣,” saad ni Uy.

“Hangad ko lamang ang maipagpatuloy ang mahigit dalawang dekadang paninilbihan sa aming mahal na Distrito 6 ng Maynila,” dagdag pa ni Uy.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi pa rin makakaupo si Cong. Abante sa Kamara hangga’t walang finality sa desisyon ng pagdiskuwalipika kay Uy.

Matatandaang si Uy ay tumakbong kongresista sa ika-6 na distrito ng Maynila sa ilalim ng Yorme’s Choice na pinamunuan ng nagbabalik na alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso katambal ang kanyang bise-alkalde na si Chi Atienza na kapwa nanalong “landslide” nitong nagdaang 2025 election. JAY Reyes