Home HOME BANNER STORY Nancy Binay naghain ng ethics complaint vs Alan Peter Cayetano

Nancy Binay naghain ng ethics complaint vs Alan Peter Cayetano

Nagtalo sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa P21.7B project para sa bagong Senate building. CESAR MORALES

MANILA, Philippines- Naghain si Senator Nancy Binay nitong Lunes ng ethics complaint laban kay Senator Alan Peter Cayetano hinggil sa pahayag nito sa kanya sa mainit na pagtatalo nila sa kasagsagan ng imbestigasyon noong nakaraang linggo sa bagong Senate building.

Sa nasabing hearing, tinawag ni Cayetano si Binay na “marites,” ibang termino ng mga Pilipino sa nagpapakalat ng “chismis,” at inakusahan ito ng panggugulo sa Senate hearing.

Mandato ng Senate Committee on Ethics and Privileges na talakayin ang mga usapin na may kaugnayan sa asal, karapatan, pribilehiyo, dignidad, integridad, at reputasyon ng Senado at mga miyembro nito.

Inilunsad ni Cayetano ang imbestigasyon sa bagong Senate building matapos ipag-utos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na rebyuhin ang halaga ng konstruksyon nito, kung saan binanggit na pumalo na ang pondo sa P23 bilyon.

Itinanggi ni Binay na umabot na ang halaga ng konstruksyon sa P23 bilyon at iginiit na P21 bilyon lamang.

Ipinaliwanag naman ni Cayetano na saklaw ng halagang P23 bilyon ang P1.6 bilyong ginastos para sa pagbili ng lupa.

Sa kasalukuyan ay wala pang reaksyon ang opisina ni Cayetano ukol sa reklamo ni Binay. RNT/SA