MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ang suporta sa National Police Commission (Napolcom) kaugnay ng kaso ng inakusang panggagahasa ng isang police officer sa Maynila sa isang babaeng walang malay.
Bumisita ang biktima at ang kanyang asawa kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Camp Crame, Quezon City noong Martes upang iparating ang kanilang mga alalahanin sa imbestigasyon.
Ani Nartatez, “The Philippine National Police… [extends] full cooperation to the National Police Commission in the administrative investigation related to the alleged rape case.”
Dagdag pa niya, “All necessary steps are being taken to provide support to the victim and her family while maintaining the integrity of the investigation. The institution remains steadfast in upholding its policy of accountability and ethical conduct among its personnel.”
Bago ang kanilang pagbisita, naghain ang biktima ng administrative complaint sa Napolcom sa Quezon City.
Kinilala niya ang inakusang opisyal bilang patrolman na naka-assign sa Manila Police District (MPD). Hindi muna pinangalanan ng Inquirer ang opisyal hanggang sa makontak para sa pahayag.
Ayon sa ulat, nangyari umano ang insidente noong Disyembre 4, 2025, matapos dalhin ng pulis ang babae, na nagpakilalang “Anna,” sa isang motel sa Maynila matapos siyang mawalan ng malay sa isang bar sa Quezon City noong nakaraang gabi.
Kinumpirma ni MPD spokesperson Maj. Philipp Ines sa text message na ang inakusang opisyal ay absent without leave at naihain na laban sa kanya ang criminal complaint. RNT/MND