MANILA, Philippines – Aabot sa 14.76 milyon ang inaasahang madadagdag sa populasyon ng Pilipinas sa susunod na 15 taon, na inaasahang umabot sa 123.96 milyon pagsapit ng 2035, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Tinataya ng PSA na lalaki ang populasyon ng bansa ng 0.85% kada taon mula 2020 hanggang 2035, mula sa 109.2 milyon noong 2020.
Mananatiling pinakapopuloso ang Calabarzon na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon, na tinatayang 19.07 milyon ang populasyon sa 2035, sinundan ng National Capital Region (14.49 milyon) at Central Luzon (14.02 milyon). Pinakamaliit ang populasyon sa Cordillera Administrative Region (2.13 milyon).
Ilan sa mga rehiyon ay inaasahang tataas ang population growth rate, kabilang ang Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, BARMM, at Caraga. Sa BARMM, inaasahang tataas ang growth rate sa 1.79% mula 2030–2035 mula sa 1.62% noong 2020–2025.
Sa kabilang banda, ilang rehiyon tulad ng NCR, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Northern Mindanao ay inaasahang bababa ang average growth rate.
Halimbawa, ang NCR ay inaasahang bumaba sa 0.40% sa 2030–2035 mula sa 0.53% noong 2020–2025.
Sa antas ng mga lalawigan, inaasahang lalagpas sa 3 milyon ang populasyon ng Cavite (5.303M), Bulacan (4.168M), Rizal (3.881M), Cebu (3.833M), Laguna (3.724M), Pangasinan (3.292M), at Batangas (3.089M) pagsapit ng 2030.
Sa mga highly urbanized cities (HUCs), Quezon City ang pinakamalaki (2.918M), kasunod ang Davao (2.040M), Manila (1.901M), Caloocan (1.707M), Taguig (1.516M), at Zamboanga (1.153M).
Sa mga lungsod, Antipolo, Rizal ang may pinakamataas na populasyon (986,800) sa 2030, sinundan ng San Jose del Monte, Bulacan (801,500) at Dasmariñas, Bacoor, at Imus sa Cavite.
Sa mga munisipyo, Rodriguez, Rizal ang may pinakamalaking populasyon (592,500), kasunod ang Taytay, Rizal (440,700), Tanza, Cavite (431,600), Cainta, Rizal (395,500), at Silang, Cavite (342,900).
Inaasahang 50.5% ng populasyon ay lalaki (62.64M) at 49.5% ay babae (61.32M), na may sex ratio na 102 lalaki sa bawat 100 babae.
Ilang lalawigan at HUCs ay inaasahang tataas ang sex ratio, tulad ng Batanes (114), Ifugao, Palawan, Quirino, Mountain Province, Eastern Samar, Bukidnon, Nueva Vizcaya (108), at iba pa.
Sa mga lungsod, pinakamataas na sex ratio ay inaasahang sa Mandaue (108), sinundan ng Tacloban (106), Muntinlupa, Cagayan de Oro, Davao, Lapu-Lapu (104), at San Juan, Gen. Santos, Isabela, Valenzuela, Butuan (103). RNT/MND