MANILA, Philippines — Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na maaari pang tumaas at lumagpas sa 500 ang bilang ng fireworks-related injuries (FWRIs) habang nagpapatuloy ang pagbeberipika ng datos.
Ayon kay Health spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, maaaring madagdagan ng mahigit 300 kaso ang 235 insidente na naitala noong madaling-araw ng Bagong Taon.
“Patuloy po ang pagkalap at pag-validate ng data ng ating Department of Health – Epidemiology Bureau. May nakikita po tayo na maaaring dumagdag na 300 plus na kaso ng fireworks-related injuries doon sa 235 na naiulat na kahapon,” ani Domingo.
Nauna nang iniulat ng DOH na ang 235 kaso ay naitala mula Disyembre 21, 2025 hanggang alas-4 ng umaga ng Enero 1, 2026, na mas mababa ng 42 porsiyento kumpara sa 403 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni Domingo na patuloy pa ring kinokolekta at sine-validate ang mga late reports.
Ayon sa DOH, kabilang sa pangunahing sanhi ng mga pinsala ang mga hindi kilalang paputok, boga, at 5-Star.
Hinikayat din niya ang publiko na agad magtungo sa ospital kung nasugatan, at ipinaalala na libre ang bakuna laban sa tetanus sa mga pampublikong ospital. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)