Home HOME BANNER STORY Naranasang baha sa Bulacan, mala-Ondoy – Gob. Fernando

Naranasang baha sa Bulacan, mala-Ondoy – Gob. Fernando

BULACAN – Parang Ondoy!

Ganito inihambing ni Gobernador Daniel Fernando ang naranasang pag-ulan at pagbaha sa kanyang nasasakupan sa Bulacan bunsod ng nagdaang bagyong Egay at Falcon.

“Matatandaan natin ‘yung Ondoy, ganito-ganito ‘yung nangyari noon,” ani Fernando sa interbyu ng ANC. “‘Yun po naulit na naman.”

Noong 2009, si Ondoy ay nagpakawala ng hindi pa naganap na pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila, kabilang ang kalapit na Rizal at Bulacan.

Nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil sa baha.

Sinabi ni Fernando na hindi bababa sa 4 na bayan sa Bulacan — Calumpit, Hagonoy, bahagi ng Bocaue, at Guiguinto — ang nakararanas pa rin ng pagbaha.

Kailangan aniya ng mga hakbang sa pagkontrol sa baha tulad ng paggawa ng mga dike, pag-upgrade ng mga drainage, at dredging ng mga ilog.

Nitong Miyerkules, tinatayang nasa halos kalahating bilyong piso ang pinsala sa imprastraktura ng Bulacan. RNT