Home NATIONWIDE P1.4-B budget sa byahe ni PBBM sa 2024 dinepensahan ng DBM

P1.4-B budget sa byahe ni PBBM sa 2024 dinepensahan ng DBM

MANILA, Philippines – BINIGYANG katwiran ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang mahigit sa P1.4 bilyong alokasyon para sa local at foreign missions ng Office of the President (OP) para sa susunod na taon.

Sa press briefing sa Malakanyang, ipinaliwanag ni Pangandaman ang pagtaas sa budget para sa foreign trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa susunod na taon.

Sinabi ng Kalihim na wala siyang nakikitang masama at mali sa panukalang P1,408,894,000 para sa mga byahe ng Pangulo lalo pa’t kung ito’y kapaki-pakinabang sa bansa.

“‘Yung travel po ng Presidente, dalawa pong klase ‘yan. Mayroon pong state visit that they invite you and then meron din po ‘yung mga investment roadshow. When I was asked previously po doon sa SONA kung ano po sa tingin ko ang nagawa this administration in such a short time, I think to bring us back to the map of a investment hub and opportunity for other countries,” ayon kay Pangandaman.

“Kami po hindi lang ang Presidente, even the economic managers, if you will notice po, we’ve been going out of the country to present the Philippines as an investment hub po so I think ‘yung expenses po ng travel as long as it will be beneficial and mas may advantage po para sa bansa natin, I think okay lang po ‘yun, it’s justified,” dagdag na wika nito.

Matatandaang, taong 2022, bumiyahe si Pangulong Marcos sa mga bansang Indonesia, Singapore, at China para sa state visits; dumalo sa United Nations General Assembly sa New York; at nagpartisipa sa ASEAN summit sa Cambodia.

Nagpunta rin ang Pangulo sa Thailand noong nakaraang Nobyembre para sa APEC 2022 at sa Brussels, Belgium para sa EU-ASEAN Summit.

Bumiyahe rin ang Chief Executive sa Davos, Switzerland para sa World Economic Forum at nagkaroon ng official visit sa Tokyo, Japan ngayong taon.

Kapalit nito ay nakapagbulsa naman ang Pangulo ng $1.3 bilyong halaga ng investment pledges sa kanyang official visit sa Estados Unidos noong Mayo.

Dumalo rin ang Pangulo sa ASEAN Summit sa Indonesia at state visit sa Malaysia.

Samantala, dinepensahan naman mismo ni Pangulong Marcos ang kanyang byahe sa ibang bansa, sabay sabing makapanghihikayat ito ng mas maraming foreign investors para sa Pilipinas. Kris Jose