MANILA, Philippines – Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pananagutin nito ang sinumang may kaugnayan sa retrofitting ng Cabagan – Santa Maria Bridge sa Isabela kung mapatutunayang nagkaroon dito ng korapsyon.
Dagdag pa, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na maglulunsad ng imbestigasyon kaugnay sa pagguho ng naturang tulay.
“Nagkausap kami ni Pangulo kahapon regarding this. Ito talaga ay papaimbestigahan, okay. Kung may bahid man ng korapsyon sa nangyaring ito mula pa noong 2014 hanggang sa ngayon kung mayroon man, hindi talaga puwedeng hindi managot,” pahayag ni Castro sa panayam sa radyo.
Aniya, bagamat naglunsad na ng imbestigasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa insidente, hindi umano ito ordinaryong kaso at dapat na matukoy ang mga ebidensya para rito.
“‘Pag nalaman natin kung sino ang mayroong pagkakamali dito at may bahid nga ng korapsyon, kung may bahid ng korapsyon ay dapat may managot,” dagdag pa ni Castro.
Dagdag pa, iginiit din ni Castro na dapat ay masusing sinuri ng lokal na pamahalaan ang kondisyon ng mga establisyimento at imprastrukrua dahil hindi ito maaaring isa-isahin ng Pangulo.
“Hindi po trabaho ng Pangulo iyan, trabaho na po iyan ng local at kung may problema, saka kayo makipag-coordinate sa DPWH hindi po ba?”
Sa ulat, nagsimula ang konstruksyon ng tulay noong Nobyembre 2014 at nakumpleto noong Pebrero 1, 2025 sa halagang P1.2 bilyon. RNT/JGC