Home NATIONWIDE Nasawing Navy pilots sa Cavite nailibing na

Nasawing Navy pilots sa Cavite nailibing na

Larawan mula kay Naval Public Affairs Office/ S1JO Ronald A Pataueg PN

MANILA, Philippines- Nagsagawa ang Philippine Navy (PN) ng arrival honors sa dalawa nitong piloto na nasawi sa isang  helicopter crash bago ihatid ang mga ito sa huling hantungan nitong Biyernes sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Isinagawa ito upang bigyang-pugay ang mga piloto, ayon sa Navy, na namatay nitong Huwebes matapos bumagsak ng helicopter NHT421 malapit sa isang public market sa Cavite City.

Kinilala ng Navy ang mga pumanaw na sina Lieutenant Jan Kyle Borres at Ensign Izzah Leonah Taccad.

Nauna nang inulat ng AFP na ang dalawang aviators, na naka-assign sa Naval Air Wing in Sangley Point, ang nagpapalipad ng Robinson R22 trainer helicopter nang mapilitang mag-emergency landing malapit sa Cavite City market.

Nanggaling sila sa Sangley Airport sa Cavite City para sa training exercise.

Ayon sa Southern Tagalog police, naganap ang insidente ng alas-6:30 ng umaga sa Draga Reclamation Area, Barangay 57.

Idineklarang dead on arrival 36-anyos na lalaking piloto sa Cavite Medical Center. Pumanaw naman ang 27-anyos na babaeng co-pilot habang ginagamot sa Bautista Hospital.

Samantala, base sa ulat, hinihintay pa ng Philippine Navy ang resulta ng aircraft accident investigation upang matukoy ang sanhi ng pagbulusok ng helicopter.

“Philippine Navy aircrafts undergo regular inspection and maintenance to ensure airworthiness. Nevertheless, no stone will be left unturned as we endeavor to prevent this kind of accident from happening again,” naunang pahayag ng Navy. RNT/SA