Home HOME BANNER STORY PBBM kinondena ni Digong  sa pagiging ‘pro-America’

PBBM kinondena ni Digong  sa pagiging ‘pro-America’

MANILA, Philippines- Sinita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa umano’y pagiging pro-United States, ilang araw matapos ihayag ni Marcos ang pagtutol sa “gentleman’s agreement” ni Duterte kay Chinese leader Xi Jinping ukol sa Ayungin Shoal.

”You are a crybaby, always America, America, America… And you call yourself, you call our place Republic of the Philippines?” pahayag ni Duterte ukol kay Marcos, na nasa Washington DC para sa trilateral meeting kasama sina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida.

Bago umalis patungong US nitong Miyerkules, sinabi ni Marcos na “horrified” siya sa kasunduan ni Duterte sa China, at sinabing nakompromiso umano nito ang sovereign rights ng mga Pilipino.

Sa late-night news conference sa Davao City, sinabi ni Duterte na wala siyang isinuko sa China noong siya ay nanunungkulan bilang presidente. Subalit, inamin niya ang status quo kung saan hindi gagawa ang Pilipinas o China ng anumang aksyon na makagugulo sa South China Sea — kabilang ang pagdadala ng construction materials sa BRP Sierra Madre.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Malacañang ukol dito.

Sa kanya ring news briefing, hinamon ni Duterte si Marcos na magtungo sa Ayungin Shoal dahil suportado ito ng US government pagdating sa tensyon sa West Philippine Sea. 

Gayundin, kinondena niya ang Pangulo sa 60-day preventive suspension ng Office of the President kay Davao del Norte Governor Edwin Jubahib dahil sa iba’t ibang administrative complaints. Pinalitaw din niya ang posibilidad ng pagiging “political enemies” nila ni Marcos dahil sa suspensyon ni Jubahib.

”Hindi ko kalaban si Marcos, pero along the way, magkakalaban talaga kami. We will be political enemies… You cannot remove that kind of situation,” aniya. RNT/SA