Home NATIONWIDE Nasipsip na oil waste sa Terranova umabot na sa higit 1.2 milyong...

Nasipsip na oil waste sa Terranova umabot na sa higit 1.2 milyong litro

Mahigit 1.2 milyong litro na ng oil waste na nasipsip mula sa lumubog na MTKR Terranova ang nasa treatment facility sa Marilao, Bulacan para sa tamang disposal.

Sa inilabas na update sa sitwasyon, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na nailipat na ng kinontratang salvor para sa MTKR  Terranova, Harbor Star ang 402,000 litro ng oil waste nitong Huwebes na nagdala sa kabuuang dami ng oil waste sa Marilao treatment facility sa 1.218 milyong litro.

Noong Linggo, kabuuang  1,254,889.58 litro ng oil waste ang nasipsip na sa ngayon mula sa MTKR Terranova.

Binanggit ng PCG na ang nakolektang langis mula sa MTKR Terranova ay oil waste at hindi pure industrial fuel oil (IFO) na dala ng tanker.

Mayroon itong 1.4 milyong litro ng IFO sa hawak nito nang lumubog ang barko noong Hulyo 25.

Noong Lunes, ipinag-utos ng PCG ang pansamantalang suspensiyon ng siphoning operation sa Limay, Bataan upang maiwasan ang posibleng pagtagas ng langis dahil sa malakas na agos at mabigat na kondisyon ng panahon dala ng Tropical Storm Enteng.

Sinigurado ng Harbour Star ang lahat ng mga siphoning lines at containment equipment at isinara ang lahat ng maiinit na gripo sa lumubog na tanker. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)