Home TOP STORIES Nasirang bahagi ng Matina Gravahan dike ‘di pa rin naaayos

Nasirang bahagi ng Matina Gravahan dike ‘di pa rin naaayos

125
0

DAVAO CITY – Mahigit isang taon matapos masira ang bahagi ng flood control dike sa Matina Gravahan dahil sa malakas na pag-agos ng tubig-baha, nananatili itong hindi naayos dahil sa pagkaantala ng pondo at hindi pa nareresolbang isyu sa lupa na kinasasangkutan ng kontraktor at isang pribadong may-ari ng lupain.

Natapos ang konstruksyon ng dike noong Pebrero 2023 at malugod itong tinanggap ng mga residente na sanay na sa taunang pagbaha tuwing may bagyo o malakas na ulan. Sa unang pagkakataon, nakaranas sila ng ginhawa at proteksiyon laban sa pag-apaw ng tubig.

Ngunit noong Pebrero 2024, isang malaking troso na inanod ng baha ang tumama sa estruktura at nagdulot ng bitak at pinsala sa konkretong pader. Simula noon, muling nalagay sa panganib ang lugar.

Ayon sa ilang residente, kahit maliit na bahagi lamang ang nasira, nabawasan ang bisa ng proteksiyon ng dike.

“Nadombol diha nga parte mao nangaliki. Last year sunod-sunod baha, dagko kaayo troso diri paingon nga part mao wala nakaya, nibigay,” ani Roberto Pandi, residente ng lugar. Isa pang residente, si Paolo Bilocura, nagsabing mabilis na nasira ang proyekto matapos itong matapos: “Paghuman ani nga project kumpleto na, pila ka bulan naabtan baha mao naguba.”

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Davao City District Office, nagsumite sila ng kahilingan para sa emergency fund upang maayos ang nasirang bahagi. Subalit hanggang ngayong Setyembre 2025, wala pa ring aprubadong pondo mula sa kanilang central office.

Kinumpirma naman ni DPWH Region 11 spokesperson Dean Ortiz ang sitwasyon at sinabi, “We will intervene and negotiate with both the landowner and the contractor on how to expedite the repair of the damaged dike,” habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng agarang rehabilitasyon.

Dagdag hamon sa pagkukumpuni ang reklamo ng isang may-ari ng kalapit na lupa na nagsasabing ginamit umano ang bahagi ng kanilang lupain sa panahon ng konstruksyon.

Ayon sa caretaker ng ari-arian, hindi pa nababayaran ang hinihinging kompensasyon, na tinatayang aabot sa mahigit ₱3 milyon.

“Kasabot ana sila bayaran daw mga nadamage nga property tungod sa ilang pag-construct pero wala namalik. Mao to nasuko si mam, wala na sila paagia diri kay i-repair unta,” ani ng caretaker na tumangging magpakilala.

Batay sa impormasyong nakalap, nagsampa na ng kaso ang may-ari laban sa DPWH sa Ombudsman kaugnay ng umano’y kapabayaan sa pagbabayad at sa kabiguan umanong simulan ang pagkukumpuni.

Samantala, inihayag ng mga residente ang kanilang pagkadismaya sa mabagal na proseso.

“For a year, wala na mi gi-baha. Pero karon balik napud mi sa kahadlok sa una,” ayon sa isang residente. Para sa mga naninirahan sa Matina Gravahan, ang dike ang inaasahang magiging proteksiyon laban sa baha.

Ngunit sa ngayon, nananatiling sira at hindi pa naayos ang estruktura—kasabay ng pangakong kaligtasan na hanggang ngayon ay hindi pa natutupad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here